--Ads--

Nagsumite ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng 63 karagdagang dokumento at iba pang materyales sa International Criminal Court o ICC bilang paghahanda sa nakatakdang paglilitis kaugnay ng kasong may kinalaman sa kampanya kontra ilegal na droga.

Batay sa dokumentong inihain noong Nobyembre 25, kabilang sa mga isinumite ng depensa ang mga artikulo sa media, opinion columns, research reports, litrato, ordinansa, batas at mga dokumento ng korte.

Kabilang sa mga ito ang 17 batas na nilagdaan ni Duterte noong kaniyang panunungkulan bilang pangulo, gaya ng Universal Health Care Act, Free Irrigation Service Act, Universal Access to Quality Tertiary Education Act at 4Ps Act.

Isinama rin sa mga ebidensya ang ilang executive order at administrative order na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga, emergency response, disaster rehabilitation at iba pang programa ng pamahalaan.

--Ads--

Kabilang din sa isinumiteng dokumento ang mga ordinansa sa Davao City na tumatalakay sa kapakanan ng kababaihan at mga bata, kalusugan, pagpapatupad ng kaayusan at drug rehabilitation.

Samantala, naglahad din ang depensa ng mga ulat at datos tungkol sa anti-drug campaign, paggamit ng puwersa ng pulisya at mga alegasyon ng extrajudicial killings o EJK.

Ayon sa pre-trial brief ng depensa, layunin nitong ipakita ang mga programa at inisyatiba ni Duterte sa larangan ng kalusugan, edukasyon at rehabilitasyon sa droga bilang pagtutol sa alegasyon ng prosekusyon na nagkaroon ng malawakan at sistematikong pag-atake laban sa mga sibilyan sa bansa.

Gayunman, hindi pa tinukoy sa naturang paghahain kung paano partikular na gagamitin ng depensa ang bawat isa sa 63 dokumento sa paglilitis. 

Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitado ang kaniyang kakayahang lumahok sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y paghina ng kaniyang cognitive functions.

Ayon sa kaniyang mga abogado, nakararanas siya ng problema sa memorya, atensyon at iba pang kakayahang pangkaisipan kaya nahihirapan umanong maunawaan ang mga kaso at makapagbigay ng instruksyon sa kaniyang depensa.

Dahil dito, halos hindi na umano siya makatutulong sa paghahanda ng depensa laban sa kasong crimes against humanity.

Nasa ICC Trial Chamber pa rin ang pinal na pagpapasya kung may sapat na kakayahan si Duterte na harapin ang paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.