--Ads--

Humiling ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ng access sa mga rekord ng umano’y nakaraang pagkakasangkot sa krimen ng mga biktima at testigong kabilang sa mga ihaharap ng prosekusyon sa kasalukuyang paglilitis.

Sa 10-pahinang kahilingan, sinabi ni defense lawyer Peter Haynes na mahalaga ang naturang impormasyon upang masuri ang kredibilidad ng mga testigo at maihanda ang kanilang pagtatanong sa cross-examination.

Ayon sa kampo ni Duterte, maaaring gamitin ang mga dating hatol sa mga kasong perjury o pagbibigay ng maling pahayag upang kuwestiyunin ang kredibilidad ng isang testigo.

Ipinunto rin ng depensa na maaaring makatulong sa kanilang panig ang mga rekord ng mga biktimang dati nang inaresto o naharap sa kasong kriminal, dahil maaari umanong magkaroon ito ng kaugnayan sa teorya ng prosekusyon hinggil sa mga operasyon ng Philippine National Police sa ilalim ng kampanya kontra droga.

--Ads--

Dahil dito, hiniling ng depensa na ilahad ang lahat ng rekord ng pag-aresto, hatol, sentensiya at iba pang kaugnay na proseso laban sa mga testigo at biktimang nakatala sa trial brief ng prosekusyon, kabilang ang mga dati o nakabinbing arrest warrant at notice mula sa International Criminal Police Organization o Interpol.

Hiniling din nila sa Trial Chamber na utusan ang prosekusyon na kunin at isiwalat ang mga naturang dokumento bago o sa Nobyembre 30 para sa mga testigong ihaharap sa paglilitis ngayong taon.

Wala pang inilalabas na pahayag ang prosekusyon kaugnay ng kahilingan.

Samantala, iginiit naman ng civil society-led Truth Commission na nagdodokumento ng mga insidente sa drug war na hindi totoo ang naratibong “nanlaban” na ginamit ng administrasyong Duterte upang ipaliwanag ang mga pagkamatay sa mga operasyon ng pulisya.

Sa pinakahuling ulat nito, sinabi ng komisyon na karamihan sa mga buy-bust operation na kanilang naidokumento ay nauwi sa pagkamatay ng mga suspek.

Sa 46 na labi na nahukay at sinuri, 24 ang nagtamo umano ng tama ng bala sa ulo.

Ayon pa sa komisyon, nasa 8,320 na ang naitalang pangalan ng mga nasawi sa drug war mula 2016 hanggang 2022 sa kanilang public registry.

Mas mataas ito sa 6,252 na bilang ng pamahalaan na tumutukoy lamang sa mga nasawi sa mga operasyon ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency hanggang Mayo 2022, ngunit mas mababa naman sa 12,000 hanggang 30,000 na bilang na binanggit ng ICC prosecutor.

Patuloy namang ina-update ng komisyon ang talaan habang bineberipika ang karagdagang impormasyon tungkol sa iba pang biktima.