Malaking oportunidad umano para sa lalawigan ng Isabela ang mga proyektong tinalakay sa isinagawang Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, partikular sa pagpapalakas ng paghahanda sa mga kalamidad at pagpapaunlad ng mga industriya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III, sinabi nitong mahalagang hakbang para sa lalawigan ang mga napag-usapan sa nasabing summit.
Kabilang sa mga binigyang-diin ng gobernador ang pagkakapili sa Isabela bilang kauna-unahang lalawigan na mapagkakalooban ng UP Project NOAH Resilience Maps.
Ayon kay Gov. Albano, gagamit ang proyekto ng mga makabagong kagamitan gaya ng radar at satellite upang mas detalyadong matukoy ang mga lugar na posibleng bahain at ang magiging daloy ng tubig sakaling magkaroon ng pagbaha.
Inihayag din ng gobernador na inaasahang magiging modelo ang Isabela sa buong bansa sa pagpapatupad ng proyekto dahil sa mabilis na koordinasyon ng lalawigan sa UP at maagap na pagtugon nito sa mga nagdaang kalamidad, kung saan nakapagtala umano ng zero casualty.
Samantala, umaasa rin ang Gobernador na magkaroon ng panibagong summit na tututok naman sa pagpapaunlad ng dairy industry at meat processing sa Isabela.
Aniya, kabilang ito sa mga industriyang nais nilang maisulong sa lalawigan matapos makita ang potensiyal ng mga ito sa isinagawa nilang pagbisita sa Germany.




