Naging mapayapa at walang naitalang aberya sa peace and order ang isinagawang Philippine Summit on Localizing Climate Change and Nature-Based Solutions, Sustainable Tourism, and Creative Industries Development sa Cauayan City, Isabela.
Ito ang inihayag ng Isabela Provincial Public Safety Office kasunod ng matagumpay na pagtatapos ng dalawang araw na summit, sa tulong ng koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang safety offices, civic groups at kapulisan sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Kim Patrick Agbayani, Provincial Safety Officer, sinabi nitong naging epektibo ang mga ipinatupad na hakbang ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko, partikular sa pagdating ng mga delegado at bisita mula sa paliparan patungo sa Isabela Convention Center (ICON).
Ayon kay Agbayani, malaking bagay ang pagiging pamilyar ng mga tauhan ng POSD sa kanilang nasasakupan kaya naging maayos ang pagpapatupad ng traffic management at rerouting plans sa kabila ng pagdagsa ng mga bisita.
Aniya, nagsimula na ang puspusang paghahanda noong Nobyembre 24, kung saan nag-deploy ng kabuuang 170 personnel mula sa POSD, Isabela Medical and Rescue Team (ISMART), Bureau of Fire Protection (BFP) Isabela at Philippine National Police (PNP) Cauayan.
Dahil sa maayos na koordinasyon at estratehikong deployment ng mga tauhan, nanatiling generally peaceful ang buong aktibidad hanggang sa pormal na pagtatapos nito, bagay na ikinatuwa ng Provincial Public Safety Office.
Ipinaliwanag din ni Agbayani na naging mahigpit at organisado ang seguridad sa VIP parking area sa labas ng ICON sa pamamagitan ng pagbabantay ng mga tauhan ng Public Safety Office.
Samantala, ang Provincial Security Group naman ang naatasang mamahala sa drop-off point ng mga delegado at panauhin, habang nakatuon ang mga tauhan ng POSD sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng venue.
Bagama’t nagtapos na kahapon ang summit, nananatili pa ring nakaantabay ang ilang tauhan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang tiyakin ang kaligtasan ng mga bisitang aalis pa lamang ngayong araw.
Nakaantabay rin ang kapulisan para sa mga delegadong magpapasyang manatili muna sa lalawigan upang bisitahin ang iba’t ibang tourist destinations sa Isabela.










