Nakapagtala ang Commission on Elections (Comelec) Cauayan City ng 83 aplikante sa isinagawang mall-based voter registration, halos tatlong beses na mas mataas kumpara sa dating pinakamataas na bilang na 30.
Katumbas ito ng karagdagang 53 aplikante o tinatayang 177% na pagtaas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, Election Officer ng Comelec Cauayan City, sinabi nitong nakatulong sa pagdami ng aplikante ang paglipat ng registration booth mula sa ikalawang palapag patungo sa ground floor ng establisimyento, kung saan mas maraming tao ang dumaraan. Nakatulong din ang paunang anunsyo ng aktibidad sa social media.
Sa kabuuang 83 aplikante, 54 ang babae at 29 ang lalaki. Tatlumpu rito ang bagong nagparehistro, 31 ang nagpa-transfer out o lumipat ng rehistro sa ibang lugar, tatlo ang nagpa-transfer papasok sa Cauayan City at pito ang nagpa-reactivate ng kanilang voter registration.
Samantala, umabot na sa 465 ang kabuuang bilang ng mga aplikanteng na-accommodate ng Comelec Cauayan mula nang isagawa ang satellite registration noong Nobyembre 10.
Inaasahan ng tanggapan na mas mailalapit pa sa publiko ang serbisyo sa pamamagitan ng satellite registration. Nakatakda rin ang susunod na mall-based voter registration sa Disyembre 26, 2026.







