--Ads--

Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang matukoy at mailigtas ang nasa 30 Pilipino na umano’y humihingi ng tulong matapos madala sa mga teritoryo ng Ukraine na okupado ng Russia.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, na-recruit ang mga Pilipino para sa janitorial at construction work ngunit sa halip ay pinagagawa umano ng mga bunker.

Kinumpirma naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na nakikipagtulungan na ang ahensiya sa DFA at Department of National Defense upang beripikahin ang lokasyon at kalagayan ng mga manggagawa at maisagawa ang kanilang pagsagip.

Sinisiyasat din ang posibilidad na may mga mersenaryong nasa likod ng umano’y recruitment scheme, habang nakikipagtulungan ang DMW sa National Bureau of Investigation upang bumuo ng kaso laban sa mga recruitment agency na posibleng sangkot.

--Ads--

Nagbabala na rin ang DMW at Bureau of Immigration laban sa mga mapanlinlang na job offers sa Russia.