--Ads--

Hinimok ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mamagitan sa Senado at Kamara upang mapagkasundo ang magkaibang bersyon ng panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027 bago ito talakayin sa bicameral conference committee.

Sinabi ni Lacson na malaki ang pagkakaiba ng bersyon ng budget na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso kaya mahalagang gumanap ang Pangulo bilang tagapamagitan upang matiyak na magiging maayos at malinis ang paglalaan ng pondo.

Ginawa ni Lacson ang panawagan matapos makumpleto ng Senado ang marathon deliberations sa panukalang pambansang budget dakong ala-1:25 ng madaling-araw nitong Sabado. Nauna namang inaprubahan ng Kamara ang kanilang bersyon noong Oktubre.

Ayon sa senador, may sapat na impluwensiya si Marcos sa magkabilang kapulungan upang mapagkasundo ang mga mambabatas at maiwasan ang mga kuwestiyonableng alokasyon sa pambansang pondo.

--Ads--

Matatandaang binawasan ng Senado ang ilang bahagi ng panukalang budget ng Kamara matapos kuwestiyunin ng mga budget watchdog ang umano’y mga insertion dito.

Kabilang sa mga binawas ng Senado ang P97 bilyon mula sa pondo ng Department of Public Works and Highways o DPWH dahil sa hindi pagsunod ng ilang proyekto sa mga itinakdang requirement.

Nauna ring kinuwestiyon ni Lacson ang ilang alokasyon sa panukalang budget, kabilang ang umano’y maling pagbibigay-prayoridad sa P247 bilyong pondo para sa ayuda o government assistance.

Binigyang-diin din niyang hindi dapat basta-basta ilipat ang mga prayoridad na pondo, lalo na sa gitna ng kasalukuyang suliraning pang-ekonomiya ng bansa.

Iminungkahi rin niyang maaaring ilaan sa mas mahahalagang pangangailangan ang ilang pondo gaya ng Financial Assistance to Local Government Units o FALGU, na dati nang binatikos dahil sa pagiging lump-sum allocation.

Iginiit ni Lacson na dapat kausapin agad ng Pangulo ang Senado, Kamara at economic managers bago pa magsimula ang bicameral conference upang mapag-usapan at maresolba ang mga pagkakaiba sa kani-kanilang bersyon ng pambansang budget.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang Malacañang kaugnay sa panawagan ng senador.