--Ads--

Hiniling ng Akbayan Party-list at mga lider ng paggawa sa Korte Suprema na suriin ang desisyon ng isang korte sa Pasig City na naglabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapatupad ng ₱85 dagdag-sahod para sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.

Sa isang pahayag, sinabi ni Akbayan Representative Perci Cendaña na nagsumite sila ng liham sa Korte Suprema at Judicial Integrity Office upang ipanawagan ang pagsusuri sa naging desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC).

Ayon kay Cendaña, malaking dagok sa karapatan ng mga manggagawa ang naturang TRO dahil naaantala ang pagtanggap nila ng dagdag na sahod sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Iginiit niya na hindi dapat gamitin ng malalaking kumpanya ang mga hukuman upang hadlangan ang mga wage hike na kinakailangan ng mga manggagawa.

--Ads--

Noong Hulyo, pinagbigyan ng isang korte sa Pasig ang kahilingan ng dalawang korporasyon na pansamantalang ipatigil ang pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27 habang dinidinig ang kanilang petisyon.

Binigyang-diin ni Cendaña na maaaring maging mapanganib na precedent ang naturang desisyon dahil posibleng tularan ito ng iba pang negosyo sa tuwing magkakaroon ng wage increase order.

Dahil dito, nanawagan siya sa Korte Suprema na maglabas ng malinaw na patakaran para sa mga mababang hukuman hinggil sa mga kaso na may kaugnayan sa mga wage order.

Samantala, naghain din si Cendaña ng resolusyon sa Kamara upang imbestigahan ang implementasyon ng mga wage hike at matiyak na natatanggap ng mga manggagawa ang nararapat na dagdag-sahod.