--Ads--

Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na handa niyang harapin ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa umano’y mga iregularidad sa paggamit ng pondo para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games na idinaos sa Pilipinas.

Sa pagdinig ng Senate impeachment court nitong Hulyo 15, sinabi ni Cayetano na hindi siya matitinag sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya kaugnay ng nasabing usapin.

Ayon sa senador, handa niyang ipaglaban ang kanyang panig at wala siyang dahilan upang matakot sa isinasagawang imbestigasyon.

Binigyang-diin din niya na kung may mapatutunayang anomalya sa proyekto, siya mismo ang unang mananawagan para sa pananagutan ng mga sangkot.

--Ads--

Matatandaang sinisiyasat ng NBI ang umano’y mga iregularidad sa paggamit ng pondo para sa sports complex sa New Clark City, Tarlac na ginamit noong 2019 SEA Games.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakatanggap ang ahensya ng impormasyon na may bilyon-bilyong pisong pondong kaugnay ng proyekto na hindi pa umano naliliquidate.

Lumabas din ang alegasyon na may isang pribadong kumpanya na nakatanggap ng tinatayang ₱10 bilyong bayad nang walang isinagawang bidding sa pamamagitan umano ng congressional insertions.

Kasama rin sa muling susuriin ng NBI ang kontrobersyal na SEA Games cauldron bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Senator Pia Cayetano ang umano’y pressure at intimidation na nararanasan ng kanyang kapatid kaugnay ng isinasagawang pagsisiyasat.

Sa ngayon, wala pang karagdagang pahayag si NBI Director Matibag hinggil sa mga naging komento nina Alan at Pia Cayetano.