--Ads--

Mariing kinontra ng kampo ni dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez ang pahayag ni Franco Mabanta na umano’y pag-atake sa press freedom ang pagkakaaresto sa kanya kaugnay ng sinasabing extortion na P350 milyon.

Ayon sa abogado ni Romualdez na si Atty. Elaine Atienza, mali ang ipinapakalat na salaysay at hindi ito usapin ng malayang pamamahayag kundi isang kasong kriminal na extortion.

Giit ng kampo ni Romualdez, ginawa lamang ng dating House Speaker ang nararapat nang iulat ang insidente sa mga awtoridad, na agad namang umaksyon ang NBI alinsunod sa kanilang mandato.

Nilinaw din nila na hindi makakaapekto sa imbestigasyon ang anumang materyales o alegasyon na sinasabing hawak ng kampo ni Mabanta, dahil ang isyu ay nakatuon sa reklamo ng pangingikil.

--Ads--

Binigyang-diin pa ng kampo na kung may ebidensya ng katiwalian, dapat itong isinasampa sa tamang proseso at hindi ginagamit bilang kapalit ng pera o impluwensya.

Tinawag din nilang hindi lehitimong pamamahayag ang umano’y hindi paglalabas ng materyales na sinasabing ginawa ilang linggo na ang nakalipas, at iginiit na ang kaso ay dapat magdesisyon batay sa ebidensya at batas, hindi sa social media narratives.