Isang panibagong pahina sa kasaysayan ng tennis ang naitala ng Pinay tennis sensation na si Alexandra Eala matapos niyang maging pinakabatang Asyanong manlalaro na nakapagtala ng panalo kontra sa Top 10 players sa higit sa isang Tier I/WTA-1000 tournament mula nang ipatupad ang Tier format noong 1990.
Sa edad na 20 years, nabasag ni Eala ang dating rekord na hawak ni Naomi Osaka, na nakamit ang kaparehong tagumpay sa edad na 20 taon at 350 araw.
Pinatutunayan ng milestone na ito ang mabilis at tuluy-tuloy na pag-angat ni Eala sa international stage ng women’s tennis. Hindi lamang siya nakikipagsabayan sa mga elite player sa mundo, kundi napapatumba rin niya ang ilan sa mga nasa pinakamataas na puwesto sa world rankings.
Isa sa kanyang pinakamalaking panalo ay nang talunin niya si world No. 8 Jasmine Paolini ng Italy upang makausad sa second round ng Dubai Tennis Championships. Dahil dito, umangat din ang kanyang ranggo sa Women’s Tennis Association (WTA) mula No. 48 patungong No. 38.
Itinuturing itong malaking hakbang hindi lamang sa personal na karera ni Eala kundi maging sa kasaysayan ng tennis sa Asya at sa Pilipinas, patunay na kaya ng isang atletang Pilipino na magningning sa pinakamataas na antas ng pandaigdigang kompetisyon.






