Ipinagtanggol ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) laban sa mga batikos kaugnay ng pagtaas ng singil sa kuryente ng MERALCO noong Abril.
Sinabi ni Gatchalian na maling impormasyon umano ang kumakalat na ang 4Ps beneficiaries ang dahilan ng pagtaas ng singil sa kuryente. Ayon sa kanya, ang “bill shock” ay bunsod ng pagtaas ng generation costs ng Meralco at hindi dahil sa lifeline subsidy para sa mahihirap na konsyumer.
Binigyang-diin din niya na maliit lamang ang konsumo sa kuryente ng karamihan sa mga 4Ps household kaya’t hindi sapat ang kanilang paggamit upang magdulot ng malaking pagtaas sa singil.
Batay sa tala ng DSWD, nasa 135,411 lamang na 4Ps households ang kabilang sa Lifeline Rate Subsidy Program, kumpara sa higit 8.11 milyong consumer ng Meralco.
Kaugnay naman ng mungkahing pagrepaso sa Expanded Lifeline Rate Law, sinabi ni Gatchalian na bukas ang DSWD sa mga pagbabago basta’t hindi ito magreresulta sa dagdag na pasanin sa mga ordinaryong consumers. Aniya, mas mainam kung sagutin na lamang ito ng mga power distributor bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.
Nagpasalamat din ang kalihim sa mga taxpayer, lalo na sa middle class, dahil sa patuloy nilang suporta sa mga programang panlipunan ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, layunin ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na mapababa sa single digit ang poverty incidence sa bansa bago sumapit ang 2028. Aniya, malaki ang naging ambag ng 4Ps sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga benepisyaryo, kabilang na ang milyun-milyong nakapagtapos ng pag-aaral at libo-libong board passers mula sa mga pamilyang kabilang sa programa.
Ang 4Ps ang pangunahing poverty reduction at human capital development program ng pamahalaan na pinangangasiwaan ng DSWD.











