CAUAYAN CITY- Arestado ang isang magsasaka na tinaguriang Number 8 Regional Most wanted Person sa Brgy. San Juan, Quezon, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Clarence Labasan, Hepe ng Quezon Police Station, sinabi niya na ang akusado ay si alias “Rigor” at mayroon itong nakabinbing kaso na 3 counts qualified rape na walang piyansa at rape by sexual assault na 600,000 pesos na piyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Matagal na umano nilang minamanmanan ang akusado matapos silang makatanggap ng impormasyon na nagtago ito sa Ifugao at nito lamang mga nakaraang araw ay umuwi ito sa bayan ng Quezon at dito na siya naaresto.
Ayon kay PMaj. Labasan, hiwalay ang akusado sa kaniyang asawa at naiwan sa kaniyang kustodiya ang kaniyang menor de edad na anak na babae dahilan kaya’t nagkaroon ito ng pagkakataon na pagsamantalahan ang kaniyang anak.
Nagsumbong naman ang biktima sa kanyang mga kaanak na sila na namang nagparating ng pangyayari sa himpilan ng Pulisya.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Quezon Police Station ang Akusado na nakatakdang ilipat sa Bureau of Jail Management Penology (BJMP) sa mga susunod na araw.