
CAUAYAN CITY – Ang pagdiriwang sa National Heroes Day ay hindi lamang paggunita sa nakaraan kundi kasama rin ang mga bagong bayani.
Ito ang inihayag ng local historian na si Dr. Troy Alexander Miano Provincial Tourism Officer.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Miano na hindi lamang ang mga naiambag ng mga naunang bayani ang dapat gunitain kundi dapat ay taun-taon ding bigyan ng pagkilala ang ambag ng mga bagong bayani sa bansa para matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Gayunman, ang pagdiriwang aniya ng National Heroes Day ay nakatutok sa Philippine Revolution.
Isinagawa aniya ang pagpunit ng sedula sa Pugad Lawin na hudyat ng pagputok ng Philippine Revolution sa pangunguna ni Gat Andres Bonifacio.
Malaki ang naiambag ni Bonifacio at mga kasama para makamit ang kasarinlan.
Gayunman, hindi puwedeng sabihin na iisang bayani ang may pinakamaraming ambag kaya ito nakamtan ng bansa dahil sama-sama itong pagbubuwis ng buhay ng ating mga ninuno.
Kaugnay nito ay naniniwala si Dr. Miano na walang ibang lahi ang puwedeng sumakop sa Pilipinas dahil napatunayan na ito sa mga nakalipas na panahon.
Iginiit niya na nanalaytay na sa dugo ng mga Pilipino ang pagiging matapang at ipaglalaban ang bansa kahit kapalit pa ito ng kanilang buhay.










