--Ads--

Bumuo na ang Northern Police District (NPD) ng isang Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan at pabilisin ang imbestigasyon sa pamamaril na ikinasawi ng anti-DDS vlogger na si Mima Alicia, o Alicia Lipata, noong madaling araw ng Hulyo 17 sa North Caloocan.

Batay sa paunang imbestigasyon, nasa gilid ng kalsada sa Tierra Nova Subdivision sa Barangay 171 ang 22-anyos na vlogger kasama ang kanyang live-in partner nang lapitan umano sila ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo at pinagbabaril.

Ayon sa isang saksi, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang makarinig siya ng magkakasunod na putok ng baril. Nang kanyang tingnan ang pinanggalingan ng mga putok, nakita niya si Lipata na nakahandusay sa kalsada at nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Samantala, nakaligtas sa insidente ang kanyang live-in partner na si Nelboy Lluz sa kabila ng tinamong mga tama ng bala at kasalukuyang ginagamot at inoobserbahan sa ospital.

--Ads--

Mariing kinondena ng NPD ang pamamaril at tiniyak na ginagawa ang lahat ng hakbang upang matukoy at maaresto ang mga responsable. Nanawagan din ang pulisya sa sinumang may impormasyon tungkol sa insidente na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station upang makatulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon.