--Ads--

Nagtungo sa Maynila ang anti-mining group mula sa Dupax, Nueva Vizcaya upang magsumite ng resolusyon sa House of Representatives o HOR nitong Setyembre 17, katuwang si Cong. Renee Co, kaugnay ng kanilang mga hinaing sa mining activities sa kanilang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leijin Dugay, miyembro ng grupo, sinabi niyang sinamahan siya ng mga NGO na naka-assign sa kanilang barikada upang lumahok sa protesta at pagsusumite ng resolusyon sa Kamara.

Kasama rin umano nila ang mga grupo mula sa Cagayan Valley, Palawan at Baguio na nagsumite rin ng kani-kanilang resolusyon at nagprotesta kaugnay ng mga isyung kinakaharap sa kanilang mga lugar. Tinatayang nasa 50 katao ang lumahok sa protesta na ayon kay Dugay ay naging mapayapa naman.

Aniya, magkakaiba ang mga isyung nakapaloob sa mga resolusyong isinumite ng bawat grupo, depende sa mga problemang kinakaharap ng kanilang mga komunidad. Nagpasalamat din siya sa mga indibidwal na tumulong sa kanilang gastusin sa pagpunta sa Maynila.

--Ads--

Umaasa ang grupo na pagbibigyan ang kanilang mga kahilingan, lalo na ang kanilang panawagan para sa pangangalaga sa kanilang lupain, kalikasan at kabuhayan.

Nanawagan naman si Dugay sa publiko na unawain muna ang kanilang sitwasyon bago magbigay ng negatibong komento sa kanilang pagkilos. Aniya, hindi madali ang kanilang kalagayan sa barikada, lalo na kapag masama ang panahon, ngunit patuloy pa rin nilang ipinaglalaban ang kanilang paninindigan.

Sa ngayon, nagpapatuloy umano ang kanilang mapayapang pagbabarikada sa lugar habang hinihintay ang magiging tugon sa kanilang mga isinumiteng resolusyon at kahilingan.