Nangangamba ang isang anti-mining group sa Nueva Vizcaya na posibleng maisailalim na sa pagsusuri ng Woggle Corporation ang mga nakuhang ore samples mula sa mining exploration site sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte.
Matatandaang una nang naiulat ang pagnanakaw sa 12 sako ng pinaghihinalaang ore samples, na may tinatayang bigat na kalahating sako bawat isa, gayundin ang anim na kahon ng mga ito mula sa isang bahay sa nasabing barangay. Kaugnay nito, naaresto ang isa sa mga pinaghihinalaang sangkot sa insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Florentino Daynos, lider ng Anti-Mining Group, sinabi nitong umaasa silang hindi matutuloy ang kanilang pangamba na magamit ng kompanya ang mga nakuhang samples para maisailalim sa pagsusuri.
Ayon kay Daynos, saklaw ng resolusyon ng korte para sa implementasyon ng Writ of Preliminary Injunction (WPI) ang mga naturang ore samples. Nakasaad umano sa kautusan na inaatasan ang sheriff na kunin ang mga ito mula sa mining site at dalhin sa CENRO Aritao, Nueva Vizcaya.
Binigyang-diin niya na hindi dapat ibigay ang mga samples sa Woggle Corporation o sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), dahil nangangamba ang grupo na kapag nasuri na ang mga ito ay maaaring mapabilis ang pagpapatuloy ng exploration activities ng kompanya at posibleng humantong sa aktuwal na pagmimina.
Umaasa naman ang grupo na mahigpit na maipatutupad ang kautusan ng korte at mananatili sa tamang kustodiya ang mga ore samples habang nagpapatuloy ang usapin kaugnay ng mining exploration sa lugar.
Samantala, kinuwestiyon din ng grupo ang pahayag ng PNP na nakilala umano ang isa sa kanilang mga miyembro, isang person with disability (PWD), na kabilang sa mga pinaghihinalaang nagnakaw ng ore samples.
Ayon kay Daynos, lasing na lasing umano ang kanilang miyembro nang mangyari ang insidente at natutulog lamang sa loob ng isang van nang bigla itong arestuhin ng mga awtoridad at iugnay sa pagnanakaw.
Marami rin umanong handang tumestigo na kasama ng naturang miyembro sa inuman at ilan sa mga huli nitong nakasama noong gabing iyon upang patunayang wala itong kinalaman sa insidente.
Iginiit din ni Daynos na walang nakitang bakas o anumang natirang ore samples sa loob ng van kung saan natagpuan at inaresto ang kanilang miyembro, kaya kinukuwestiyon nila ang pagkakadawit nito sa naturang pagnanakaw.
Dahil dito, iginiit ng grupo na inosente ang kanilang miyembro at nangakong ipaglalaban ang kanyang mga karapatan.











