Patuloy na pinalalakas ng World Archery Philippines ang kampanya nito upang mahikayat ang mas maraming kabataan na subukan ang archery, kasabay ng pagdiriwang sa mga nakamit na tagumpay ng mga batang atletang Pilipino sa mga nagdaang lokal at internasyonal na kompetisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay World Archery Philippines President Bing Reaport, sinabi niya na malaki ang naitutulong ng archery hindi lamang sa pisikal na lakas ng isang atleta, kundi pati na rin sa paghubog ng mental focus, konsentrasyon, disiplina, at kontrol sa sarili.
Ayon kay Reaport, ang archery ay isa sa mga sports na madaling matutunan ngunit nangangailangan ng mataas na antas ng disiplina at pasensya, kaya’t nagiging epektibong training ground ito para sa mga kabataang atleta.
Dagdag pa niya, ito rin ay isang inklusibong sport na bukas para sa lahat ng edad, dahilan upang lalo pa nilang palawakin ang grassroots programs sa iba’t ibang probinsya sa bansa.
Bilang bahagi ng kanilang programa, aktibo ang organisasyon sa pag-ikot sa mga paaralan at komunidad upang magsagawa ng training clinics, demonstrations, at talent identification programs na layuning matukoy at mahubog ang mga susunod na national athletes.
Giit pa ng World Archery Philippines, layunin nilang hindi lamang makapag-produce ng mga kompetitibong atleta kundi makapagtaguyod din ng isang sports culture na nakatuon sa disiplina, focus, at healthy lifestyle para sa kabataang Pilipino.











