--Ads--

Hindi pa umano sapat ang ginawang pag-uusap o pagsusuri ng pamahalaan hinggil sa planong pagbabawal sa mga kabataan sa paggamit sa social media bilang hakbang upang maiwasan ang karahasang naitatala sa mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, constitutional law expert at senior research fellow in policy studies, sinabi nito na bagama’t mayroon nang mga panukalang batas nakahain sa Kongreso, karamihan sa mga ito ay hindi pa napagdedebatehan sa plenaryo.

Aniya, kinakailangang pakinggan ng pamahalaan ang komento ng mga eksperto, child psychiatrists, educators at maging ang mga kabataan mismo upang malaman ang kanilang pananaw.

Problema lang aniya dahil isa sa mga ito particular ang Senate Bill No. 2424 o “SMART KIDS Act” ay nakapasa na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Oktubre 8, 2026.

--Ads--

Gayunman, umaasa pa rin si Yusingco na mabigyan pa rin ng pagkakataon ang mga stakeholders na marinig ang kanilang pananaw sa isyu dahil maging ang Kagawaran ng Edukasyon ay interesado na mapag-usapan ito.

Bagama’t nagawa na sa ibang mga bansa ang social media ban sa mga kabataan, binigyang diin ni Yusingco na hindi naman dapat madaliin ng pamahalaan ang pagpapasa rito at huwag lang basta makigawa sa ibang bansa dahil magkakaiba ang konteksto ng bawat kabataan sa bawat bansa.

Kung sakali mang maisabatas ang naturang panukala, malaking katanungan pa rin aniya kung matutugunan ba nito ang mga problemang inuugnay sa social media gaya ng grooming, bullying, at iba pang karahasan.

Ayon kay Yusingco, ang social media ay hindi lamang para sa entertainment dahil ginagamit din ito sa education purposes ng mga paaralan, kaya hindi dapat magmadali ang kongreso sa pagdating sa pagbabawal dito.

Samantala, pagdating sa usapin ng karahasan sa mga paaralan, hindi aniya ito basta matutugunan ng simpleng pagbabawal lamang sa paggamit ng social media sapagkat nangangailangan ito ng whole of government approach.