Pinanindigan ni counsel for the prosecution na si Atty. Amando Ligutan ang kanyang social media post kaugnay ng isyu ng misleading questions sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam matapos ang pagdinig nitong Miyerkules, sinabi ni Ligutan na hindi niya buburahin ang naturang post dahil nakabatay umano ito sa nakasaad sa Rules of Court na hindi pinapayagan ang misleading questions sa paglilitis.
Iginiit ng abogado na wala siyang tinukoy na partikular na tao sa kanyang post at wala rin umano itong masamang intensyon o malisya. Aniya, bahagi ng kanyang karapatan bilang mamamayan ang magbahagi ng mga pahayag na nakabatay sa batas at mga umiiral na alituntunin sa korte.
Lumitaw ang usapin matapos magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan at defense counsel ni Duterte na si Atty. Kristine Ferrer habang isinasagawa ang cross-examination kay Commission on Audit auditor Xylene Mae Del Campo, na tumestigo kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sa gitna ng pagdinig, sinabi ni Kapunan na hindi pinapayagan ang misleading questions sa cross-examination, habang iginiit naman ni Ferrer na pinapayagan ang mga ito.
Kasunod nito, nag-post si Ligutan sa social media kung saan kanyang ipinunto na isang pangunahing prinsipyo sa batas na hindi pinapayagan ang misleading questions kahit sa cross-examination.
Bago ipagpaliban ang paglilitis, nilinaw ng lead defense counsel ni Duterte na si Atty. Sheila Sison na ang tinutukoy ni Ferrer ay leading questions at hindi misleading questions, na pinapayagan sa cross-examination.
Nagpahayag din si Sison ng pagkabahala sa naging social media post ni Ligutan dahil ginawa ito habang nagpapatuloy ang impeachment trial. Aniya, hindi umano nararapat na magbigay ng ganitong pahayag laban sa kapwa abogado habang nakabinbin pa ang kaso.
Dahil dito, hiniling ng lead prosecutor na si Batangas Representative Gerville Luistro na mabigyan ng pagkakataon si Ligutan na makapagpaliwanag.
Gayunman, hindi ito pinayagan ni Senate President at presiding officer Francis Escudero sa naturang pagdinig. Sa halip, sinabi nitong bibigyan si Ligutan ng pagkakataong tumugon sa susunod na sesyon ng impeachment court sa Agosto 17 bago magpasya ang korte sa isyu.








