Itinanggi ni Atty. Michael Wesley Poa, tagapagsalita ng defense team ni Vice President Sara Duterte, na sumang-ayon siya sa pahayag ni Paolo Panelo na biro lamang ang naging ruling ng Senate impeachment court sa voting threshold para sa conviction.
Ayon kay Poa, hindi niya sinang-ayunan ang naturang pahayag at nananatili siyang magalang sa impeachment court.
Sinabi rin niyang ang anumang pagtutol sa ruling ng korte ay dapat idaan sa tamang legal na proseso at hindi sa mga panayam sa media o impormal na talakayan.
Nauna nang sinabi ng impeachment court na dalawang-katlo ng mga senator-judge na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa proceedings ang magiging batayan sa conviction. Ang desisyon ay ipinasa sa botong 13-1-6.
Samantala, sinabi ni Poa na pinag-aaralan pa rin ng defense team ang posibleng pagdadala ng usapin sa Supreme Court.











