--Ads--

Naglabas ng stern warning ang Senate impeachment court laban kay House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon dahil sa mga pahayag nito sa media na posibleng lumabag sa gag order sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa dalawang-pahinang kautusan, pinaalalahanan ng korte si Ridon na dapat pag-ibahin ang simpleng pagbabahagi sa publiko ng mga nangyari sa paglilitis at ang pagbibigay ng interpretasyon kung ano ang pinatutunayan ng ebidensya o kung bakit ito pabor sa posisyon ng isang panig.

Ayon sa impeachment court, bagama’t may karapatan ang publiko na malaman ang mga kaganapan sa paglilitis, kailangan ng higit na pag-iingat mula sa mga abogado at counsel na saklaw ng mga alituntunin sa propesyonal na pananagutan.

Layunin umano nito na matiyak na ang magiging desisyon ng mga senator-judge ay ibabatay sa mga ebidensya at argumento na iniharap at sinuri mismo sa loob ng korte, at hindi sa mga pahayag na inilalabas sa publiko.

--Ads--

Nakasaad sa Rule 18 ng impeachment rules na ipinagbabawal sa mga partido ang pagkomento sa merito ng kaso. Ang naturang warning ay inilabas ng korte matapos ang show cause order na ipinadala kay Ridon noong Setyembre 16.

Gayunman, sinabi ng korte na binigyan nito ng bigat ang paliwanag ni Ridon na kumilos siya nang may mabuting hangarin at nauunawaan niya ang pagkakaiba ng pag-uulat sa mga nangyari sa proceedings, pagpapaliwanag ng procedural developments at pagkomento sa mga usaping dapat pagpasiyahan ng korte.

Sa kanyang tugon, tinanggap ni Ridon ang warning at nangakong susunod sa kautusan ng impeachment court habang ipinagpapatuloy ang kaniyang trabaho bilang lead prosecutor.