--Ads--

Hiniling ni Atty. Ferdinand Topacio sa Korte Suprema na patawan ng indirect contempt si Gabriela Rep. Sarah Elago dahil sa umano’y paglabag sa confidentiality rule ng mga reklamong disbarment.

Ayon kay Topacio, ibinunyag ni Elago sa isang internal advisory at sa media ang tungkol sa kaso, na naging dahilan upang matukoy siya kahit hindi hayagang pinangalanan.

Iginiit ng abugado na dapat manatiling kumpidensyal ang mga ganitong proseso upang maprotektahan ang reputasyon ng inirereklamo habang wala pang pinal na desisyon.

Nag-ugat ang isyu sa isinampang disbarment case ni Elago noong Marso dahil sa mga umano’y bastos at mapang-maliit na pahayag ni Topacio laban sa mga kababaihan.

--Ads--

Dinepensahan naman ito ni Topacio na “bahagi lamang ng mainit na diskusyon” at walang halong pambabastos.

Samantala, binatikos ng Gabriela Women’s Party ang hakbang na ito at tinawag itong isang “politikal na pananakot” upang pagtakpan ang maling asal ng abugado sa pamamagitan ng pag-arte bilang biktima.