Opisyal nang nakuha ng Amerikanang si Aleshia Wiley ang titulong “largest collection of Wonder Woman memorabilia” mula sa prestihiyosong Guinness World Records dahil sa kanyang pambihirang dedikasyon sa naturang superhero.
Ang tubong West Georgia ay nagmamay-ari na ngayon ng kabuuang 1,581 na iba’t ibang Wonder Woman memorabilia.
Ayon kay Wiley, nagsimula ang kanyang pagkahumaling sa karakter noong unang bahagi ng dekada 2000 matapos mapanood ang Justice League animated series. Namangha umano siya sa lakas at talino ni Wonder Woman, na nagsisilbing paalala na walang hindi kayang gawin ang mga kababaihan.
Ang kauna-unahan niyang koleksiyon ay ang comic book na Wonder Woman #1 (1987) na isinulat ni George Perez na nabili niya sa isang flea market sa Florida.
Binubuo ito ng mahigit 1,000 magkakaibang edisyon ng komiks, mga Funko Pop, action figures, at iba pang natatanging laruan.
Itinuturing niyang pinaka-espesyal ang isang edisyon ng komiks na may pirma ng sikat na comic book writer na si Stan Lee at ng aktres na si Lynda Carter.
Sa kabila ng punumpunong mga estante sa kanyang bahay, inihayag ni Wiley na wala pa siyang plano na ihinto ang kanyang pangungulekta.








