--Ads--

Hindi lubos akalain ng pamunuan ng SDO Isabela na mahihigitan ng kanilang atleta ang bilang ng gintong medalya na naiuwi ng delegasyon sa CAVRAA Meet 2025.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Manolo Bagunu, Division Sports Officer ng SDO Isabela sinabi niya na ang tanging hangad lamang nila ay mapanatili ang kampeonato sa lalawigan ngunit hindi nila inasahan na napakaraming medalya ang naipon ng kanilang mga atleta.

Pinasalamatan naman niya ang mga atleta na hindi inalintana ang init ng panahon makamit lamang ang minimithing gintong medalya.

Aniya umabot sa 117 gold medal ang naiuwi ng SDO Isabela mula sa mga regular events kumpara sa 101 gold na naiuwi nila noong nakaraang taon.

--Ads--

Hindi pa kabilang dito ang mga medalya na nakuha nila sa mga special events tulad ng Para-Games kung saan nakapag-uwi sila ng 11 gold medals.

Malaking tulong naman sa delegasyon ang naging pag-aaral nila sa mga pagkukulang sa nagdaang CAVRAA Meet.

Pinag-aralan din nila ang performance ng mga atleta at ito ang ginamit nilang sports management plan upang mas pagbutihin ang pag-eensayo at nakamit ng SDO Isabela ang back-to-back championship.

Naging mahaba rin aniya ang kanilang in-house training kaya nagkaroon ng magandang pagkakataon ang mga atleta na mas hubugin pa ang kanilang talento.