Patuloy na nakararanas ng malalakas na pag-ulan ang silangang bahagi ng China matapos manalasa ang Bagyong Dolphin, na nagresulta sa pagkansela ng daan-daang biyahe sa himpapawid at pagkaantala ng ilang serbisyo sa transportasyon.
Bagama’t humina na ang bagyo matapos ang dalawang beses na pag-landfall sa Zhejiang province nitong Linggo, nagbabala ang National Meteorological Centre ng China na magpapatuloy pa rin ang malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng silangan at gitnang bahagi bg China sa susunod na mga oras.
Sa Shanghai, umabot sa 943 flight ang nakansela sa dalawang pangunahing paliparan ng lungsod, habang pansamantalang sinuspinde ang ilang serbisyo ng tren at pampublikong transportasyon.
Nagpalabas din ang mga awtoridad ng pinakamataas na babala para sa posibleng flash flood sa ilang lugar sa Zhejiang province.
Samantala, limang distrito sa Beijing ang isinailalim sa red alert dahil sa inaasahang matinding pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Noong katapusan ng linggo, mahigit 1,000 flight ang nakansela at libu-libong residente ang inilikas dahil sa epekto ng Bagyong Dolphin.











