Humina na bilang Typhoon ang bagyong Inday habang patuloy itong kumikilos pa-kanlurang hilagang-kanluran sa silangang bahagi ng Northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Sa pinakahuling update ng weather bureau kaninang alas-4 ng madaling araw, namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 925 kilometro silangan ng Northern Luzon na may lakas ng hanging aabot sa 175km/h malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 215km/h.
Patuloy itong kumikilos pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometero kada oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, bahagi ng Quirino, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, at ilang lugar sa Abra, Mountain Province, Ifugao, Aurora at Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, posible pa ring makaranas ng minimal hanggang minor na epekto ng malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng wind signal.
Inaasahan ding magdudulot ang pinalakas na habagat at ang lawak ng bagyo ng malalakas hanggang mabugsong hangin sa malaking bahagi ng bansa mula ngayong araw hanggang Sabado.
Nagbabala rin ang PAGASA sa mga mangingisda at maliliit na sasakyang-pandagat dahil sa maalon hanggang napakaalon na karagatan sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon at ilang bahagi ng Visayas.
Tinatayang lalapit ang Inday sa Extreme Northern Luzon mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga bago tumungo sa katimugang bahagi ng Japan at hilagang Taiwan.
Inaasahan namang magpapatuloy ang paghina ng Inday ngunit mananatili itong isang bagyo habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility at posibleng lumabas ng bansa sa Sabado.











