Patuloy na nakaaapekto sa Northern Luzon ang Bagyong Kiyapo, habang patuloy ring nagpapalakas ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa ang Habagat o Southwest Monsoon.
Huling namataan ang sentro ng Bagyong Kiyapo sa layong 310 kilometro kanluran ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 150 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Inaasahan ang pag-ulan na may kasamang malalakas na bugso ng hangin sa Ilocos Norte, Batanes at Babuyan Islands dahil sa direktang epekto ng bagyo.
Makakaranas naman ng paminsan-minsang pag-ulan ang Zambales, Bataan at Occidental Mindoro dahil sa Habagat, na maaari ring magdulot ng pagbaha at landslide.
Sa Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Ilocos Region at Cagayan Valley, kabilang ang Isabela, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat dulot ng trough o buntot ng Bagyong Kiyapo.
Samantala, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Metro Manila, Visayas, nalalabing bahagi ng Luzon, Zamboanga Peninsula, BARMM, Northern Mindanao at Caraga dahil pa rin sa Habagat.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, bahagyang maulap hanggang maulap ang kalangitan na may posibilidad ng mga pulo-pulong pag-ulan o thunderstorms.











