Napanatili ng Bagyong Kiyapo ang lakas nito habang kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa silangang bahagi ng Central Luzon, ayon sa pinakahuling bulletin ng PAGASA.
Alas-4:00 ng madaling araw nang namataan ang sentro ng Tropical Depression Kiyapo sa layong 950 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na 45 kilometro kada oras, pagbugsong aabot sa 55 kilometro kada oras, at kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Ilocos Sur, hilagang bahagi ng Aurora, at ilang bahagi ng Mountain Province at Ifugao.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng Kiyapo pa-kanluran-hilagang kanluran hanggang Sabado patungong Luzon Strait bago lumihis pa-hilagang kanluran.
Posibleng dumaan ang sentro ng bagyo malapit sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan sa pagitan ng umaga at hapon ng Biyernes, bago dumaan o mag-landfall sa paligid ng Babuyan Islands pagsapit ng hapon hanggang gabi.
Inaasahan ding unti-unting lalakas ang Kiyapo at maaaring maging isang tropical storm sa Biyernes. Posible rin itong maging severe tropical storm matapos makatawid sa Babuyan Islands bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Sabado ng umaga o tanghali.
Nagbabala ang PAGASA na maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan at matitinding hangin kahit ang mga lugar na nasa labas ng inaasahang tatahakin ng bagyo, kaya pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga susunod na abiso ng ahensya.











