--Ads--

Patuloy na kumikilos ang Tropical Depression Luis pa-hilagang kanluran habang nasa karagatang silangan ng Isabela, ayon sa pinakahuling ulat ng DOST-PAGASA.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang sakop ng Palanan, Isabela. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at bugso ng hangin na hanggang 60 kilometro bawat oras. Kumikilos ito sa bilis na 15 kilometro bawat oras.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, at Aurora dahil sa posibilidad ng malalakas na hangin dulot ng bagyo.

Nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa central at eastern portions ng Cagayan (Enrile, Tuguegarao City, Peñablanca, Piat, Santo Niño, Camalaniugan, Tuao, Lal-Lo, Gonzaga, Alcala, Amulung, Santa Teresita, Baggao, Buguey, Solana, Rizal, Santa Ana, Gattaran, Iguig, Lasam, Aparri, Ballesteros, Abulug, Allacapan, Pamplona), Isabela, Quirino, eastern at southern portions ng Apayao (Flora, Santa Marcela, Conner, Pudtol, Luna), eastern portion ng Kalinga (City of Tabuk, Tanudan, Pinukpuk, Rizal), eastern portion ng Mountain Province (Paracelis, Natonin), eastern portion ng Ifugao (Aguinaldo, Alfonso Lista), at northern portion ng Aurora (Dinalungan, Casiguran, Dilasag, Dipaculao, Baler).

--Ads--

Ayon sa PAGASA, maaaring magdala ang Tropical Depression Luis at southwest monsoon o habagat ng malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, pati na rin sa ilang lugar sa Mindanao.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto dahil posible ang malalakas na pag-ulan. Maaari ring makaranas ng katamtamang alon ang ilang baybaying lugar, kabilang ang silangang baybayin ng Isabela, Aurora, at iba pang bahagi ng hilaga at silangang karagatan ng bansa.

Pinapaalalahanan ang mga mangingisda at may-ari ng maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat at iwasang pumalaot kung maaari dahil sa hindi magandang kondisyon ng karagatan.

Inaasahang magpapatuloy ang paggalaw ni Luis pa-hilagang kanluran at posibleng mag-landfall o dumaan malapit sa Northern Luzon ngayong gabi hanggang madaling-araw ng Agosto 4. Pagkatapos nito, inaasahang liliko ito pa-hilagang silangan habang papalayo sa kalupaan.

Ayon sa PAGASA, mananatiling tropical depression ang Luis sa malaking bahagi ng forecast period at posibleng humina bilang remnant low sa Miyerkules, Agosto 5, bago tuluyang maisama sa sirkulasyon ng Tropical Cyclone Dolphin.