--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinahalughog ni National Union of People’s Lawyers (NUPL) Chairman Atty. Neri Colmenares sa Commission on Rights (CHR) ang kanyang bahay matapos malamang under surveillance umano ito ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, sinabi niya na sumulat siya sa CHR upang hilinging halughugin ang kanyang bahay para makita na wala siyang itinatagong baril o mga illegal na bagay.

Aniya, posibleng may nakapasok na nagtanim ng ebidensya o mga illegal na bagay sa loob ng kanyang bahay tulad ng nangyari sa opisina ni Reina Nacino na ni-raid ng mga pulis at bigla na lamang may natagpuang baril at granada sa loob ng opisina.

Ayon kay Atty. Colmenares, naging maayos naman ang paghalughog ng mga kawani ng CHR at wala silang nakita sa loob.

--Ads--

Maaari aniyang magsagawa sila ng sorpresang paghalughog upang mapatunayan niyang wala talaga siyang itinatago.

Dahil sa pagsapubliko ni Lt. Gen. Parlade na under surveillance si Atty. Colmenares ay nag-alala ang kanyang pamilya sa mga maaaring mangyari.

Ngayon lamang siya nakarinig sa militar na harapang sasabihin sa publiko na isinasailalim sa surveillance ang isang tao.

Sinabi ni Atty. Colmenares na sa ginawang ito ni Lt. Gen. Parlade ay nagpapakita lamang na plano nilang manakot at maaari silang makasuhan ng paglabag sa Anti-Terrorism law.

Nakasaad sa nasabing batas na hindi maaaring magsagawa ng surveillance kung wala pang court order.

Pinag-aaralan na nila ang posibleng pagsampa ng kaso laban kay Parlade ngayong taon o sa 2022 na matatapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang pahayag ni Atty. Neri Colmenares.