--Ads--

Ramdam na ng mga negosyante sa pampublikong pamilihan ng Lungsod ng Santiago ang pag-angat ng kanilang kita dahil sa papalapit na pagbubukas ng klase.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Dionisia Vitales, isang vendor ng mga uniporme, kinumpirma niyang mas dumarami ang mga mamimili ngayong linggo bilang paghahanda sa pagbabalik-eskwela ng mga estudyante sa ika-8 ng Hunyo.

Kabilang sa mga mabilis maubos at dinarayo ng mga magulang ang mga polo, palda, pantalon, PE uniforms, at iba pang pangunahing school supplies.

Upang mas maging komportable ang pamimili, pinayuhan ng mga vendors ang mga magulang na agahan ang pagbili ng mga kagamitan.

--Ads--

Ayon sa kanila, ang maagang paghahanda ay makatutulong upang makaiwas sa siksikan ng mga tao, sa kakulangan ng suplay ng mga sukat at disenyo, at sa biglaang pagtaas ng presyo dahil sa dagsa ng demand.

Umaasa naman ang mga lokal na negosyante na magpapatuloy ang ganitong kasigla ng bentahan sa mga susunod na araw upang tuluyang makabawi ang kanilang kabuhayan pagkatapos ng ilang buwang matumal na benta.