Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang isang Upper-Middle-Income Country.
Ayon sa pangulo, patunay ang naturang pagkilala na nagbubunga ang mga repormang pang-ekonomiya ng pamahalaan at nananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga pandaigdigang hamon.
Sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahang magpapalakas ito ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, na maaaring humikayat ng mas maraming pamumuhunan, makalikha ng karagdagang trabaho, at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din ng pangulo na ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay hindi lamang nakikita sa mga datos ng ekonomiya kundi sa aktuwal na pagbuti ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino.
Batay sa pinakahuling income assessment ng World Bank, naitala ang gross national income o GNI per capita ng Pilipinas sa 4,850 U.S. dollars, mas mataas sa 4,636 U.S. dollars na threshold upang mapasama sa hanay ng mga Upper-Middle-Income Countries.











