--Ads--

Natagpuan ang bangkay ng isang 29-anyos na babae sa isang masukal na lote sa Barangay La Torre South, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi nitong nasa advanced stage of decomposition na ang katawan ng biktima nang ito ay matagpuan.

Isinailalim na sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon kay Ayungo, may isinasagawang construction work malapit sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay.

--Ads--

Balak lamang umanong kumuha ng bunga ng niyog ang ilang construction worker na nagtatrabaho roon nang tumambad sa kanila ang bangkay ng biktima.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang 11-anyos na pamangkin ng biktima na huli nitong kasama.

Ayon kay Ayungo, isang mangangalakal ng mga bote at bakal ang biktima.

Hindi na umano ito makontak simula nang umalis sila ng kaniyang pamangkin sa kanilang bahay halos isang linggo na ang nakalilipas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sanhi at iba pang detalye sa pagkamatay ng biktima, gayundin ang kinaroroonan ng kaniyang 11-anyos na pamangkin.