Nilinaw ng pamunuan ng Angadanan National High School na ligtas ang sitwasyon sa paaralan matapos makatanggap ng banta ang isang Grade 11 student na nagdulot ng pangamba sa mga mag-aaral, guro at magulang nitong Setyembre 24.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Herros William Torres, School Principal ng Angadanan National High School, sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang guro matapos mapansing absent ang nasabing estudyante.
Ayon kay Dr. Torres, hindi naman palaging lumiliban sa klase ang estudyante kaya agad na nagtaka ang guro at kalaunan ay nalaman na nakatanggap ito ng banta sa pamamagitan ng social media mula sa isang hindi kilalang indibidwal.
Banta umano ng suspek na babarilin ang estudyante at pupunta mismo sa Angadanan National High School, dahilan upang matakot ang biktima at hindi na pumasok sa klase.
May hawak ding screenshot ang paaralan ng pag-uusap ng dalawang sangkot kung saan makikitang nagpadala umano ang nagbanta ng larawan ng baril.
Gayunman, base sa pagsusuri ng PNP Angadanan, isang airsoft gun lamang ang nasa naturang larawan.
Agad namang nakipag-ugnayan ang pamunuan ng paaralan sa PNP Angadanan, PNP San Mateo at lokal na pamahalaan ng Angadanan upang matugunan ang insidente.
Sa tulong ng PNP San Mateo, agad na natukoy ang nagpadala ng banta matapos makita sa Facebook profile nito na residente ito ng San Mateo.
Nadakip naman ang menor de edad na sangkot at kasalukuyan na itong nasa ilalim ng imbestigasyon ng mga awtoridad.
Samantala, bilang pag-iingat, agad na ipinatupad ng mga guro ang attack drill na isinagawa rin nila kamakailan bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa posibleng emergency.
Kinandado ang mga bintana at pintuan ng mga silid-aralan at pinanatili sa loob ng classroom ang mga estudyante.
Ayon kay Dr. Torres, una niyang ipinag-utos sa mga guro na huwag munang pauwiin ang mga estudyante dahil mas ligtas ang mga ito sa loob ng paaralan habang mino-monitor ang sitwasyon.
Gayunman, may ilang estudyante ang nag-message sa kanilang mga magulang upang magpasundo, dahilan upang dumagsa ang mga magulang sa paaralan.
Dahil dito, pinayagan nang makauwi ang mga estudyanteng sinundo mismo ng kanilang mga magulang.
Nilinaw naman ni Dr. Torres na walang pumasok na armadong indibidwal sa Angadanan National High School at walang naganap na insidente ng pamamaril o pambobomba sa loob ng paaralan.
Itinanggi rin niya ang kumalat na impormasyon na ang nagpadala ng banta ay estudyante ng Angadanan National High School.
Tiniyak naman ng school principal na mahigpit ang seguridad sa kanilang campus dahil may mga security guard, metal detector at kumpletong perimeter fence ang paaralan.
Hindi rin aniya basta-basta nakakapasok ang sinuman sa loob ng campus dahil kinakailangang may kaukulang gate pass mula sa principal’s office at malinaw na pakay sa paaralan.
Patuloy rin ang presensya ng PNP Angadanan at mga barangay tanod bilang karagdagang seguridad sa paligid ng paaralan.
Sa ngayon, sinabi ni Dr. Torres na normal na ang operasyon ng Angadanan National High School at ligtas nang nagpapatuloy ang klase ng mga estudyante.











