Arestado ang isang barangay kagawad matapos makumpiskahan ng mga hindi lisensyadong baril at bala sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Lungsod ng Ilagan, Isabela.
Sa pinagsanib na operasyon ng Ilagan Component City Police Station (CCPS), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela Provincial Field Unit, at iba pang unit ng Pulisya, naaresto ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Rene” dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-6:15 ng umaga nitong Hulyo 18 sa Purok 7, Barangay Cabisera 17-21, Lungsod ng Ilagan, sa bisa ng search warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Second Judicial Region sa lungsod.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .357 revolver, isang caliber .45 pistol, isang magazine ng caliber .45, 14 na bala ng caliber .357, 19 na bala ng caliber .45, isang basyo ng caliber .357 at iba pang kaugnay na kagamitan.
Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa CIDG Isabela Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Ayon kay Isabela Police Provincial Office Director PCOL Manuel B. Bringas, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na pag-iingat ng mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.











