
CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang ilang kabataan matapos umano silang tutukan ng baril ng kanilang barangay kapitan sa Linglingay, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prince Mel Visitacion, college student, sinabi niya na bago ang panunutok ng baril ng kanilang barangay kapitan ay nasa community center sila upang mag-update sa kanilang online class noong gabi ng Sabado.
Dahil gabi na ay pinagsabihan sila ng kanilang barangay kapitan na umuwi na pagkatapos ay umalis.
Nang bumalik na ang kanilang barangay kapitan ay may dala nang shotgun at tinutukan ng umano ng baril ang mga kabataan.
Dahil dito ay nagtakbuhan ang mga kabataan na nasa community center.
Mas lalo umanong nagalit ang barangay kapitan nang maghamon ang isa sa mga kabataan.
Sinabi pa ng binata na lasing umano ang punong barangay nang mangyari ang insidente.
Itinanggi naman ni Barangay Kapitan Joel Visitacion ang mga paratang sa kanya na nanutok siya ng baril.
Aniya, bagamat may dala siyang baril noon ay hindi naman niya ito itinututok sa mga kabataan na pinapauwi niya dahil sa ipinapatupad na curfew.
Inamin ng barangay kapitan na nakainom ng alak ngunit itinanggi na siya ay lasing.
Humingi na siya ng paumanhin kaugnay ng nasabing pangyayari.
Inaasahang muling mag-uusap bukas ang magkabilang panig sa kanilang barangay.
Ayon kay Prince Mel, naidulog na rin niya sa Cauayan City Police Station ang pangyayari at disidido siyang magsampa ng kaso.
Nakahanda naman si punong barangay Visitacion na harapin sakali mang magsampa kaso ang mga kabataan.










