CAUAYAN CITY – Isinailalim sa limang araw na lockdown ang Barangay Dalenat, Angadanan, Isabela para sa isasagawang contact tracing matapos na makapagtala ng isang nasawi dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19)
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Joelle Mathea Panganiban ng Angadanan, Isabela na ang namatay na pasyente ay si CV 2635, 71 anyos na lola, walang travel history maliban sa pagtungo niya sa isang ospital sa ibang bayan para magpacheck up.
Ayon kay Mayor Panganiban, namatay ang pasyente habang nasa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City.
Aniya, may 16 na direct contact ang namatay na pasyente at lima sa naturang bilang ang nagpositibo.
Sa limang ito ay 43 ang naitalang direct contact.
Sinabi ni Mayor Panganiban na nang mapag-alaman nilang nasawi ang pasyente ay pinaigting na nila ang contact tracing at maging ang mga kawani ng kanilang Rural Health Unit (RHU) ay isinailalim din sa swab test.
Dahil dito, umabot sa 63 ang naitala nilang direct contact at nagpapasalamat sila dahil isa lamang ang nagpositibo na kinabibilangan ng isang frontliner.
Ayon kay Mayor Panganiban, may comorbidities ang nasawing pasyente at maaaring nahawa siya ng COVID-19 sa ospital kung saan siya nagpacheck up.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga nagtutungo sa mga ospital para magpa-check up o nagtutungo sa ibang lugar na kapag nakauwi na ay agad na maglinis ng katawan at iwasan munang makisalamuha sa ibang tao.
Ang pahayag ni Mayor Joelle Mathea Panganiban.












