--Ads--

Nakamit ng isang kolektor ng Barbie ang panibagong rekord matapos niyang makilala ang iba’t ibang Barbie dolls kahit nakapiring lamang.

Si Bettina Dorfmann, na may hawak ng rekord mula sa Guinness World Records para sa pinakamalaking koleksiyon ng Barbie, ay muling nagtala ng tagumpay matapos matukoy ang mga manika gamit lamang ang kanyang paghawak.

Lumabas si Dorfmann sa German-language television program na The Great Show of World Records upang subukan ang panibagong hamon para sa isa pang world record.

Sa naturang pagsubok, piniringan si Dorfmann at isa-isang iniabot sa kanya ang iba’t ibang Barbie doll. Sa loob lamang ng tatlong minuto, tama niyang nakilala ang 19 na Barbie dolls sa pamamagitan ng paghipo.

--Ads--

Ayon kay Dorfmann, mahalagang gamitin ang mga kamay upang suriin ang hugis, buhok at kasuotan ng bawat manika upang makilala ang mga ito.

Matatandaang unang nakuha ni Dorfmann ang rekord para sa pinakamalaking koleksiyon ng Barbie noong 2005, nang umabot sa 2,500 ang bilang ng kanyang mga manika. Sa paglipas ng mga taon, lalo pa itong dumami at umabot sa 18,500 Barbie dolls noong 2022, higit pitong beses na mas marami kaysa sa kanyang unang naitalang koleksiyon.