Nagsisimula nang maranasan sa bansa ang mas madalas na pag-ulan at thunderstorms tuwing hapon, ngunit ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, hindi pa rin opisyal na nagtatapos ang tag-init o dry season.
Ayon kay PAGASA weather specialist na si Benison Estareja, kasalukuyang nasa transition period ang bansa sa pagitan ng dry season at wet season.
“Kasalukuyan nasa transition period po tayo o panahon sa pagitan ng tag-init o dry season at tag-ulan o wet season. Patungo na po tayo sa wet season, at isa sa mga senyales nito ay ang mas madalas na pag-iral ng thunderstorms, lalo na sa hapon hanggang gabi,” ani Estareja kahapon, Mayo 18.
Dagdag pa niya, mas kapansin-pansin na ang ganitong weather pattern sa Luzon kung saan nakararanas ng mainit at maalinsangang panahon tuwing umaga bago sundan ng biglaang pag-ulan pagsapit ng hapon.
“Sa ating mga kababayan sa Luzon, mas mararamdaman na po ang balanseng init ng panahon sa umaga at ang pag-ulan pagsapit ng hapon,” dagdag niya.
Nagbabala rin si Estareja na kahit panandalian lamang ang thunderstorms, maaari pa rin itong magdulot ng pagbaha at landslide lalo na sa mga lugar na bulnerable sa kalamidad.
Ayon pa sa PAGASA, karaniwang nagsisimula ang tag-ulan na may kaugnayan sa southwest monsoon o “habagat” mula huling bahagi ng Mayo hanggang kalagitnaan ng Hunyo.











