Nagsasagawa na ng mga paghahanda ang mga awtoridad sa Batanes matapos isailalim sa Signal No. 1 ang lalawigan dahil sa epekto ng Tropical Depression Ester.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management o PDRRM Officer ng Batanes, sinabi nitong maayos pa naman ang lagay ng panahon sa lalawigan sa kasalukuyan bagama’t nakararanas na ng pabugso-bugsong hangin dulot ng sama ng panahon.
Ayon kay Esdicul, nakaposisyon na ang mga food packs at iba pang relief supplies upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling magkaroon ng mas matinding epekto ang Tropical Depression Ester sa lalawigan.
Mahigpit din aniyang binabantayan ang mga national highway sa Batanes dahil posibleng magkaroon ng pagguho o paglaglag ng mga bato mula sa kabundukan bunsod ng mga pag-ulan matapos ang mahabang panahon ng tagtuyot.
Samantala, suspendido ang mga biyahe patungong Itbayat, Batanes dahil sa paglaki ng alon sa karagatan habang hinihintay pa ang susunod na abiso hinggil sa operasyon ng mga flight matapos kanselahin ang unang flight ngayong araw.
Sa ngayon, wala pa namang naitatalang insidente o anumang malaking problema sa Batanes. Gayunman, nanawagan ang opisyal sa publiko, lalo na sa mga motorista, na maging maingat sa pagdaan sa mga pangunahing lansangan dahil sa banta ng paglaglag ng mga bato at iba pang panganib na dulot ng epekto ng Tropical Depression Ester.











