
CAUAYAN CITY – Naitala ang ikalawang COVID-19 positive sa lalawigan ng Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO ng Batanes, sinabi niya na ang bagong pasyente ay nakasalamuha ang unang naitalang positibo sa COVID-19 na isang 29 anyos na lalaki na galing sa Sta. Rosa, Laguna.
Nakasalamuha ng ikalawang COVID-19 positive ang 19 na Locally Stranded Individual (LSI) na lulan ng eroplano ng Philippine Airforce (PAF) na dumating sa Batanes Airport noong ika-22 ng Setyembre 2020.
Noong ika-30 ng Setyembre naipadala ang swab sample ng mga LSI at kahapon lamang lumabas ang resulta.
Sa ngayon ay nasa isolation unit sa Sabtang, Batanes ang ikalawang COVID-19 positive.
Ayon kay PDRRMO Esdicul, tuluy-tuloy ang contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng bagong pasyente para sa pagsasailalim sa kanila sa swab test.
Hiniling na ng pamahalaang panlalawigan ng Batanes na isailalim sa mas istriktong lockdown ang buong lalawigan para ma-contain at mapigilan ang pagkalat ng virus.
Pansamantala na ring ipinatigil ang pag-uwi ng mga LSI at Overseas Flipino Workers (Ofw’s) sa lalawigan maliban sa pagtigil ng public transport sa buong lalawigan.










