Nanatiling generally peaceful sa kasalukuyan ang peace and order situation sa bayan ng San Guillermo, ayon sa pamunuan ng San Guillermo Police Station.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ervin Langbayan, Chief of Police ng San Guillermo Police Station, sinabi nitong kakaunti lamang ang mga naitatalang insidente sa kanilang nasasakupan, kung saan karamihan ay mga vehicular accident.
Ayon kay Langbayan, kadalasang sanhi ng mga aksidente ang pagkakamali ng mga driver at sa ilang pagkakataon ay may impluwensiya rin ng nakalalasing na inumin ang mga sangkot.
Bilang tugon, patuloy na nagpapatupad ng mahigpit na checkpoint operations ang kanilang hanay na isinasagawa araw-araw upang mapaalalahanan ang mga motorista at mabawasan ang mga aksidente sa kalsada.
Kabilang sa kanilang binibigyang-diin ang pagsusuot ng helmet, pagdadala ng wastong lisensya, at pagtiyak na maayos ang kondisyon ng mga sasakyan bago bumiyahe.
Dagdag pa ng opisyal, naglagay rin ang pulisya ng karagdagang early warning signages sa mga kalsadang kasalukuyang inaayos upang maiwasan ang posibleng aksidente.
Nagsasagawa rin umano sila ng mga symposium sa iba’t ibang paaralan sa bayan upang paalalahanan ang mga magulang at menor de edad upang maiwasan ang pagkakasangkot ng mga kabataan sa aksidente sa lansangan.
Samantala, wala namang namomonitor na drug-related incidents ang pulisya sa kasalukuyan sa kanilang lugar.
Ayon pa kay PMaj. Langbayan, may kabuuang apatnaput dalawang indibidwal ang kabilang sa kanilang watchlist na may naitalang paggamit ng ilegal na droga, subalit patuloy silang mino-monitor ng mga awtoridad.
Matatandaang idineklarang drug-cleared ang bayan ng San Guillermo noong 2019 at nananatili itong drug-cleared hanggang sa kasalukuyan.
Sa hiwalay na operasyon, iniulat din ng pulisya na nakahuli sila ng limang wanted persons sa kanilang patuloy na kampanya laban sa kriminalidad.











