Ibinaba ng bundok ang isang bedridden na senior citizen sakay ng ‘patuki’ upang makuha ang P3,000 na pensyon nito sa Cabarroguis, Quirino.
Ang video ng naturang lolo ay umani ng samu’t saring reaksyon sa social media dahilan upang ito’y bigyang-linaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nito na agad nilang inalam ang sitwasyon matapos makita ang post habang siya ay nasa probinsiya ng Quirino at nakikipagpulong sa mga lokal na opisyal.
Nakilala ang benepisyaryo na si James Ballerubio, tinatayang nasa 70 ang edad, bedridden, at kabilang sa benepisyaryo ng Social Pension Program ng ahensya.
Ipinaliwanag ni Alan na may nakatakdang sistema ng payout ang DSWD sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan kung saan isinasagawa ang distribusyon kada barangay at iskedyul.
Sa mga kaso kung saan hindi makapunta ang benepisyaryo, maaaring kumuha ng ayuda ang kanilang authorized representative basta nakarehistro at may kaukulang dokumento. Gayunpaman, sa kaso ni Ballerubio, nagkaroon ng miscommunication sa barangay level, kaya’t ibinaba pa siya ng kanyang pamilya mula sa kabundukan.
Dagdag ni Alan, nang malaman ng DSWD at lokal na pamahalaan ang nangyari, sinalubong agad ang grupo sa daan, dahil nasa malayong bahagi ng kabundukan ang lugar at tinatayang dalawa’t kalahating oras ang biyahe mula sa sentro.
Naibigay naman ang ayuda na ₱3,000, katumbas ng ₱1,000 kada buwan para sa unang quarter ng Social Pension Program.
Binigyang-diin ng DSWD na patuloy nilang ipinatutupad ang mga alituntunin sa programa, kung saan maaaring magkaroon ng primary at alternate authorized representative ang senior citizen upang masiguro na direktang makarating sa kanila ang tulong ng pamahalaan.





