--Ads--

Bahagyang lumakas pa ang Bagyong Domeng habang kumikilos sa karagatan sa silangan ng Batanes, ayon sa pinakahuling tala ng PAGASA ngayong araw ng Linggo, Mayo 31.

Namataan ang sentro ng mata ng bagyo sa layong 650 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Sa kabila ng paglakas ng bagyo, wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.

Gayunman, patuloy na pinapalakas ng Bagyong Domeng ang southwest monsoon o habagat na magdudulot ng malalakas hanggang gale-force na pagbugso ng hangin sa ilang bahagi ng bansa kabilang ang malaking bahagi ng Visayas, Batanes, Cagayan, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at ilang lugar sa Mindanao.

--Ads--

Inaasahan na bukas, Hunyo 1, ay makararanas ng malalakas na bugso ng hangin ang Batanes, Babuyan Islands, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Panay Island at Negros Occidental.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang pagkilos ng Bagyong Domeng pahilagang-kanluran bago tuluyang lumiko patungong timog ng Japan sa mga susunod na araw. Malabong mag-landfall ito sa alinmang bahagi ng Pilipinas at inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility bukas ng umaga o hapon.

Posible pang lumakas ang bagyo hanggang bukas bago ito unti-unting humina habang nananatiling isang typhoon sa mga susunod na araw.

Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto sa mga posibleng epekto ng habagat kabilang ang malalakas na pag-ulan, pagbaha, pagguho ng lupa, at mapanganib na kondisyon ng karagatan. Mahigpit ding ipinapayo sa mga residente sa mga lugar na mataas ang panganib sa kalamidad na sundin ang mga kautusan ng kanilang lokal na pamahalaan kaugnay ng paglikas at iba pang hakbang pangkaligtasan.