--Ads--

Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na layong gawing libre ang mga pangunahing professional licensure examinations para sa mga kwalipikadong mahihirap na Pilipino, bilang hakbang upang mapalawak ang access sa propesyonal na trabaho at mabawasan ang underemployment sa bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o “Free Professional Examinations Act,” hindi na sisingilin ng examination fees ang mga kwalipikadong indigent examinees para sa board examinations ng PRC, Civil Service examinations ng CSC, at bar examinations na pinangangasiwaan ng Korte Suprema, alinsunod sa mga patakaran ng kani-kanilang ahensya.

Ayon kay Tulfo, maraming Pilipino ang nakapagtatapos ng pag-aaral ngunit hindi na natutuloy sa pagkuha ng lisensya dahil sa kakulangan sa pambayad sa exam fees, kaya napipilitang tumanggap ng trabaho na hindi akma sa kanilang natapos.

“Maraming kababayan natin ang nakakapagtapos pero hindi na nakakapag-exam dahil sa gastos. Sa halip na makuha ang lisensya, napipilitan silang magtrabaho agad—kadalasan sa mas mababang antas ng trabaho,” ani Tulfo.

--Ads--

Giit ng senador, nagreresulta ito sa pagkawala ng oportunidad para sa mga mahihirap na umangat sa buhay at naglilimita rin sa bilang ng mga licensed professionals sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, ang “qualified indigent” ay tutukuyin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na siyang mag-iisyu ng sertipikasyon na magsisilbing batayan ng exemption sa bayad ng pagsusulit.

Upang maiwasan ang pang-aabuso, nililimitahan din ang benepisyo sa isang beses kada taon para sa bawat aplikante.

“Hindi dapat nagiging hadlang ang kahirapan para sa mga gustong maging abogado, guro, nurse, o civil servant. Kung nakapagtapos sila, dapat may pagkakataon silang pumasa at magtagumpay,” dagdag ni Tulfo.