--Ads--

Umabot sa 416 katao ang naaresto sa buong France matapos ang mga naitalang kaguluhan, paninira ng ari-arian, at pagnanakaw sa ilang bahagi ng Paris kasunod ng tagumpay ng Paris Saint-Germain (PSG) laban sa Arsenal sa UEFA Champions League Final.

Batay sa mga ulat, mahigit 280 sa mga naaresto ay mula sa kabisera ng Paris kung saan libu-libong tagasuporta ng PSG ang nagtipon sa mga pangunahing lugar kabilang ang Champs-Élysées, Arc de Triomphe, at paligid ng Parc des Princes upang ipagdiwang ang makasaysayang panalo ng kanilang koponan.

Sa gitna ng selebrasyon, naiulat ang ilang insidente ng vandalism, pagnanakaw, pagsunog ng mga sasakyan, at pagkasira ng mga establisimyento. Mayroon ding mga pulis na nasugatan habang nagsasagawa ng crowd control operations.

Dahil sa pangamba sa posibleng kaguluhan, nagdeploy ang mga awtoridad ng humigit-kumulang 22,000 pulis sa iba’t ibang bahagi ng France upang mapanatili ang kaayusan at seguridad.

--Ads--

Samantala, wala pang opisyal na kumpirmasyon hinggil sa mga ulat na 50 katao ang nasugatan at 50 tindahan ang nilooban o ninakawan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng mga insidenteng naganap habang isinasagawa ang pagsusuri sa lawak ng pinsalang dulot ng kaguluhan.