Nagpasalamat si newly appointed Cabinet Secretary Benhur Abalos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tiwala at kumpiyansang ibinigay sa kanya matapos italaga sa isa sa pinakamahalagang posisyon sa administrasyon.
Sa pahayag nitong Miyerkules, inilarawan ni Abalos ang kanyang bagong tungkulin bilang isang malaking karangalan at pagkakataong higit pang makapaglingkod sa Pangulo, sa administrasyon, at sa sambayanang Pilipino nang may integridad, dedikasyon, at resulta.
“I accept this responsibility with humility and a firm commitment to help ensure that the government works efficiently, cohesively, and always in the service of the Filipino people,” ani Abalos.
Bilang Cabinet Secretary at pinuno ng Strategic Action and Response (STAR) Office, sinabi niya na tututukan niya ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan, pagsuporta sa epektibong pagpapatupad ng mga pangunahing programa ng administrasyon, at pagsusulong ng propesyonalismo, pananagutan, at kahusayan sa serbisyo publiko.
Ipinahayag din ni Abalos ang kahandaan niyang makipagtulungan sa mga miyembro ng Gabinete at iba pang katuwang ng pamahalaan upang maisakatuparan ang mga layunin ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas at makapaghatid ng mga programang magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
“Public service is a shared responsibility. Through unity, cooperation, and hard work, I am confident that we can deliver meaningful and lasting progress for our country,” dagdag pa niya.





