Pinaigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang kanilang kampanya laban sa pagsusunog ng basura, damuhan at iba pang materyales na maaaring pagmulan ng sunog sa pamamagitan ng mas malapit na pakikipag-ugnayan sa mga barangay sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Reagan Bernardo, Chief of Operations Section ng BFP Cauayan, sinabi nito na mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga umiiral na ordinansa laban sa pagsusunog upang maiwasan ang mga insidente ng sunog, partikular ang grass fire.
Ayon kay SFO2 Bernardo, dahil sa mas pinaigting na koordinasyon at information campaign sa mga komunidad, wala pa silang naitatalang insidente ng grass fire sa Lungsod ng Cauayan ngayong buwan ng Hunyo.
Binigyang-diin niya na patuloy nilang pinaaalalahanan ang publiko na iwasan ang pagsusunog ng basura at damuhan, lalo na sa mga bakanteng lote, dahil mabilis na kumalat ang apoy at maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian.
Kabilang sa mga hakbang ng BFP Cauayan ang pagsasagawa ng information drive, pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay, at pagpapalakas sa pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa upang matiyak ang pagsunod ng mga residente at mapanatili ang kaligtasan ng komunidad laban sa sunog.











