CAUAYAN CITY– Naka-full alert status ngayon ang Bureau of Fire Protection (BFP) Ilagan City kaugnay sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Fire Marshal Angel Diquiatco Jr., sinabi niya na nakahanda na ang kanilang mga kagamitan tulad ng firetruck at nakahanda na rin ang mga kasapi ng BFP Ilagan upang tumugon sa anumang maitatalang sunog sa pagpapalit ng taon.
Kaugnay nito ay nagpapatuloy din ang pag-iikot ng kanilang firetruck sa iba’t ibang lugar para magbigay ng mga impormasyon at paalaala kung paano maiiwasan ang pagkakatala ng sunog bilang bahagi ng kanilang kampanya na Oplan Ligtas na pamayanan.
Bukod dito ay nagsasagawa rin sila ng inspeksyon sa mga malls at pampublikong lugar para matiyak na ligtas ang mga ibinebentang pailaw at firecracker.











